wla lng
wla lang
« August 2006 | Main | October 2006 »
wla lang
Ang sabi mo
kayang supilin
ng karahasan
ang karahasan.
Mata sa mata
ngipin sa ngipin
ang napili mong
uri ng paglaban.
Kaya nga ngayon
higit sa pitong daan
ang iyong ipinapatay
at daan-daan naman ang "Nasaan?"
Ngayon nga -
ang dahas mo
ay sasagutin din
ng ibayong karahasan.
Ang paghatol mong
nauulapan
ay tutumbasan
nang paghatol nila
Nilang iyong inapi
nilibak ang lakas
at niyurakan ang dangal.
Luha mo ngayon ang tutulo
kasabay marahil
ng pagpatak ng dugo.
sasabihin nila sa iyo
buhay ang inutang mo
buhay rin ang ibayad mo.
Lumilipad
na tulad ng ibon
ang isip ko.
Isdang napatatangay
sa hampas ng alon.
Parang dahong
malayang isinisiklot ng hangin.
Marahil dahil naalala kita
O sabihing pilit na inaalala
Gayunman
hindi pa rin
maipinta sa isip
ang iyong mukha.
Nakapanghihinayang
O wala namang dapat panghinayangan
Dahil nalisya ka ng landas
at napalayo sa amin?
O marahil dapat ngang manghinayang
dahil sa pagkalisya mo naging palaboy
ang iyong mga inakay?
O dapat na walang pagsisisi...
Dahil iyan ang pinili mong buhay.
Kay tatay... kahit hindi tayo nagkita... nalalaman mong kahit paano, may pagibig pa rin ako sa iyo.
Nabalitaan kong namahinga ka na
matapos ang mahabang panahon
ng iyong paglalagalag.
Pumikit na rin ang malalabong mata
na hindi man lamang
sa aki'y naitingin.
Tumikom na ang lipaking palad
ang wala nang lakas na mga bisig
Na minsa'y 'di naihipo sa akin.
Hindi na maigagalaw
ang paa, binti, hitang lagalag
para bagtasin ang landas papauwi sa atin
Sa mga ugat mo, di na dumadaloy
mainit, sariwang dugo
na kung titingnan, dumadaloy din sa akin.
Tumigil na ang daloy ng liwanag sa diwa
at huminto ang pagtibok ng puso
Wala na rin ang pagibig, ang malamig na pagsuyo.
Tuluyang nagsara ang utak
Upang di na muling mabuksan
ang natatagong baul ng mga alaala.
Ngayon nga, namahinga ka na -
pamamahingang walang hanggan
sa paghimlay mo, kapayapaan.
Para kay Renato Reyes Barcelona (Abril 30, 1946 - Setyembre 2, 2006)
anila
pinalaki lamang
ng midya ang problema.
ilang bagyo lamang
at ayos na
wala na ang langis
sa dagat ng Guimaras.
huwag daw mag-alala
'pagkat maayos na
ang tumapong langis
sa dagat na maganda.
ayos na raw!
pwe!
kayo kaya ang pahiran namin
ng langis sa Guimaras
saka sindihan nang kayo ang lumiyab?
palibhasa kasi 'di ninyo alam
ang mawalan ng buhay
at masira ang bukas!